Saturday, July 14, 2012

Tagalog news: Gobyerno ng PH, isinusulong ang microinsurance para makatulong sa mahihirap


By Hannah Silvano  ·  
11 views  ·  
posted 2 days ago  ·   0 comments

Isinusulong ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Finance (DOF) ang malakihang pagpapatupad ng "microinsurance" upang makatulong sa mahihirap lalo na sa panahon ng mga kalamidad.

Ang microinsurance ay tumutukoy sa insurance, insurance-like at iba pang katulad na gawain na nagbibigay ng partikular na produkto at serbisyo na makakapagsigurado sa mga mahihirap na protektado ang kanilang pinansyal na kalagayan at mabibigyan sila ng mga tulong sa panahon ng sakuna at iba pang kagipitan.

Ayon kay DOF Director III at deputy executive director ng DOF-National Credit Council (NCC) Joselito Almario na ang microinsurance ay abot-kaya dahil sa "premium" na kasing baba ng P1 hanggang P20 kada araw o P30 kada buwan.

Maliban sa mababang "premium," aniya, meron din itong garantisadong mga benepisyo na 500 beses ng "daily minimum wage" ng manggagawa o hindi sosobra sa P200,000 na maaring kuhanin pagdating ng pangangailangan.

Inilunsad ang microinsurance noong 2010 bilang istratehiya ng gobyerno upang masigurado ang malawak na access ng "low-income sector" o ng mahihirap sa mga proteksyon lalo na kapag dumating ang panahon ng sakuna.

Si Almario ay tagapagsalita sa ginanap na tatlong araw na pagsasanay tungkol sa "microinsurance advocacy" nang nakaraang linggo (Hulyo 3-5) sa East Asia Royal Hotel.

Ang naturang adbokasiyang pagsasanay ay sinuportahan ng Asian Development Bank at inorganisa naman ng DOF-Manila.

Ang nasabing training ay dinaluhan ng 36 na mga partisipante na nagmula pa sa mga nasyonal na ahensya ng gobyerno, "non-government organization" (NGO), kooperatiba, mga ahensya ng insurance at mga rural banks na nagmula pa ang iba sa Cagayan de Oro City, Davao City at Lanao.

Ang training ay hindi lamang nakatuon sa pagtuturo sa mga partisipante kung paano magsagawa ng training at advocacy session; pag-uunawa sa responsibilidad ng mga nagsusulong ng micro-insurance; paghahasa ng kanilang kakayahan sa pagsasalita, pero maging, sa kabuuan, ay nabigyan sila ng sapat na kaalaman ukol sa micro-insurance at ang estado nito sa Pilipinas, ayon kay research and advocacy specialist ng ADB Laila Garcia.

Sa isang news conference noong Biyernes, July 6, inihayag ni Almario na ang microinsurance ay “ipon para sa hinaharap.”

Maaring mabili o makuha ang microinsurance sa pamamagitan ng lisensyadong ahente ng microinsurance kagaya ng mga kooperatiba, mga NGO, rural na bangko at iba pang kumpanya ng insurance na aprubado ng Insurance Commission. (Hannah Silvano/CTApelacio/PIA General Santos City)

No comments:

Post a Comment